Saturday, May 31, 2014

Nonsense Blog Entries: Ang Matalik Kong Kaibigan, Ang OA at Walang Kuwentang Sanaysay

 

Bago ako humarap sa kompyuter at magsulat nang sapilitan para sa takda sa Filipino, nag-isip muna ako ng paksang dapat kong isulat. Nag-brainstorm muna ako sa sarili kong isipan. Sa kasawiang-palad, ang pag-iisip kong iyon ay nauwi rin sa wala, dahil, sa kadulu-duluhan ng aking pag-iisip ay wala rin akong naisip na magandang paksa. Oo, napakaraming mga posibleng paksa ang pumasok sa aking isipan, isa-isang nag-aanyaya sa akin upang lapatan ko ng aking malupit na panitik sa pagsulat. Pag-ibig? Ayoko munang pag-usapan ang bagay na iyan. Masyado pang kumplikado at masakit ang mga nangyari. Period muna ako. Tama na yung nasabi ko ang problema ko sa isa sa mga malalapit kong kaibigan. Imbensiyon? Gasgas na sa akin ang paksang ito. Kunsabagay, madami na rin akong nalalaman tungkol sa mga samu't saring mga kababalaghan sa likod ng pinagmulan ng mga bagay-bagay. Alam kong ang nakadiskubre ng sandwich ay si Earl of Sandwich. Si Steve Jobs na pumanaw na ay sapilitan lamang ang pagpapangalan ng kanyang kumpanya ng Apple Company dahil sa gahol na sa oras upang mag-isip ng matinong pangalan (paborito niya kasi ang mansanas). At ang French fries ay hindi literal na tumutukoy sa bansang pinagmulan ng pagkaing ito, kundi sa kung paano hiniwa ang patatas na ginamit dito. Literatura? Mga awtor ng libro? Paghihirap? Siyensiya? Ewan. Kaibigan?

Pagkatapos kong maalala ang salitang kaibigan habang patuloy na gumagana ang utak ko at kamay sa pagsulat nang sapilitan, naalala ko ang minsang sanaysay na ginawa ko rin nang sapilitan para sa aming sabjek na English noong nakaraang taon. Pangkatang gawain iyon na ako lang ang gumawa. Sa una ay nahihirapan kaming pumili ng matinong paksa, hanggang sa nabanggit ng isa sa mga kagrupo ko ang salitang kaibigan. Ayun, nagsisisigaw sa galak ang aking isipan, "Eureka!" At doon na nagsimulang gumana ang aking mga kamay upang isulat ang isang masterpiece (Ahem!) na nakatanggap ng markang 96% lang naman. Heto at pinilit kong i-translate ang mga salitang Ingles sa Filipino upang lubos na maunawaan ng kung sinumang makababasa ng sanaysay kong ito. Ang aking sinulat na sanaysay ay pinamagatang "Ang Matalik kong Kaibigan."


Sabi ng mga Intsik, ang buhay ng tao ay tulad ng isang blankong papel, kung saan ang mga nakakasalamuha nating tao ay nag-iiwan ng bakas na bumubuo sa kung ano tayo ngayon.

Ang tao ay nilikha upang makisalamuha sa kanyang kapwa. At sa bawat taong dumaraan sa kanyang buhay, may ibang nagtatagal, may iba na nagbibigay ng sakit ng ulo, may iba na umaalis na lang bigla, at may iba na nananatiling tapat kailanman - tapat na tulad ng isang kaibigan.


May isa akong kaibigan na maituturing kong bestfriend. Kumbaga sa closeness ay walang binatbat ang kambal na tuko (Meron ba nun?). Hindi ko na siya nakikita ngayon. Wala na siya. Pumanaw na ang aking kaibigan. May mga araw na nami-miss ko siya, at alam kong normal lang sa akin na makadama ako ng ganoon. Sa tagal na ng aming pinagsamahan, masyado akong naapektuhan sa kanyang pagkawala. Siguro, ganun lang talaga ang buhay. Minsan malupit. At minsan naman malupit pa rin.


Wirdo ang kaibigan ko. Hindi siya masyadong naglalalabas sa kanyang air-conditioned na kuwarto. Oo, ayaw raw niyang mainitan. Gusto niya palaging malamig. Kaya kung niyayaya ko siyang lumabas ay talagang sapilitan. Kung hindi ko pa siya hihilain palabas ng kanyang lungga ay hindi iyon lalabas doon. Ganoon kawirdo ang aking kaibigan. Ayaw pa raw niyang mamatay. Ang sabi ko naman ay hindi pa naman siya mamamatay kung lalabas siya sa kanyang lungga. Ewan ko sa kanya. Kung anuman ang sikretong kanyang inililihim ay hindi ko na tinanong. Hindi siya baliw gaya ng iniisip mo. Siguro, may sayad lang ng konti. Pero, bukod dun, wala na akong masasabi pa.


Minsan, habang kami at ng iba ko pang mga kaibigan ay naglalaro ng basketbol sa initan, ang aking matalik na kaibigan ay naroon lamang sa isang sulok, sa lilim (kasi nga sensitib daw sa araw), nagpapalamig. Bigla akong nadapa at nasugatan ang aking flawless na balat. Simbilis ng kidlat, dumating ang kaibigan ko, naglapat ng paunang lunas. Doon ako humanga sa kaibigan ko. Simula noon, mas lalo pa kaming naging malapit sa isa't isa.


Sa tuwing lalabas kami sa initan, halos takpan na niya ang kanyang buong katawan, habang ako ay nakasando at shorts lamang. At hindi ko man sabihin, binibigyan niya ako ng maiinom, at hindi lang basta maiinom, kundi malamig na maiinom, upang pawiin ang aking uhaw na resulta ng walang tigil na pagtagaktak ng aking pawis.


Subalit nang minsan kaming nasa labas, biglang nahimatay ang aking kaibigan. Dahil nga masyadong sensitib sa araw, nawalan ito ng malay at hindi na nagising pa. Marahil ay nagtataka kayo kung bakit hindi na nagising pa ang aking kaibigan. Ako rin ay nagtataka kung bakit ganun ang nangyari. Pagkalipas ang ilang minuto, dedbol na siya. Ang nagawa ko na lamang ay tumitig sa kanyang katawan. Sa mga oras na iyon, wala akong masabi.


Nang yayain akong uminom ng iba ko pang kaibigan, pumayag naman ako. Marahil dahil na rin sa kalungkutang aking nadarama kaya sumama ako kahit hindi ako umiinom ng alak. Sa unang baso ng alak na nasa harapan ko at magiging unang lagok ko sa aking buhay, biglang nagbalik ang mga alaala sa aking isipan. Kaibigan. Tapat. At unti-unting nag-flashback ang mga pangyayari. Muli, tumingin ako sa baso ng alak sa aking harapan. Buong tapang kong kinuha ang basong iyon at itinaas sa hangin. Gumaya rin ang aking mga kaibigan sa ginawa kong iyon. Katahimikan. Hanggang sa dumaloy na ang mga salitang gustong kumawala kanina pa.


"Para sa aking pinakamamahal na kaibigan na pumanaw na. Paalam na, paalam. Paalam, ice cube, ang tapat kong kaibigan."


At pagkatapos kong sabihin ang mga katagang iyon, tinungga ko ang mapait na alak na unang beses kong lagok sa tanang buhay ko.


*****

(Ang akdang ito ay pilit kong kinalkal sa baul ng aking mga papeles. Isinulat ko ito tatlong taon na ang nakakaraan.)

No comments:

Post a Comment